Sabado, Hunyo 8, 2013

Mga bagay na hindi mo maaabot


       Sa labas ng aming tahanan ay may mahaba at malubak na daan. Sa dulo noon ay ang daanan ng mga sasakyan. sa tabi naman ng lubak na daan ay ang malawak na damuhan na ginagawa ding daanan ng mga tao pag gusto nilang mapaigsi ang lakarin papunta sa paaralan at mga tindahan. Paminsan-minsan ay naglalaro kami ng mga kapatid ko sa lubak na daan. nanonood ng mga saranggola sa langit habang inaantay ang tatay naming umuwi dala ang kanyang bisikleta.
       Isang araw, lumabas ako ng aming tahanan. hapon na noon kaya maya maya lang ay magdidilim na. nagpunta ako sa malubak na daan. sa dulo ng malubak na daan ay hindi mga sasakyan ang nakita ko. Isang malaking malaking bilog na kulay pula ang tumambad sa aking mga mata. yon ay ang araw. namangha ako sa  laki at ganda ng araw. naisip ko na baka pwede ko itong makita ng malapitan at mahawakan kaya tumakbo ako papalapit dito. Tumakbo ako hanggang sa kalahati ng malubak na daan. Napansin ko na hindi nagbabago ang laki ng araw kahit na lumalapit ako. lumakad nalang ako. inobserbahan ko ang araw habang lumalapit ako sa kanya. Hindi nagtagal ay naabot ko ang dulo ng daan ngunit ng tinignan ko ang araw, ganon parin ang laki at layo nya sa akin. Itinaas ko ang kamay ko at sinubukang abutin ang araw ngunit wala akong naabot. noon ko lang napnsin na may puting bakod doon sa kabila ng daan ng mga sasakyan. naisip ko na baka kaya hindi ko malapitan ang araw dahil sa bakod na iyon. hinanap ko ang daanan papasok ng bakod ngunit hindi ko yon makita. hindi rin naman ako makakapunta sa kabila dahil sabi ni nanay ay delikado tumawid sa daan ng mga sasakyan kung mag-isa lang ako. nabigo akong hawakan at tignan ng malapitan ang araw.Pero hindi ako nalungkot. sinabi ko nalang sa aking sarili na paglaki ko ay tyaka ko nalang hahanapin ang pasukan ng bakod at aabutin ko ang araw.
       Paguwi ko, kwinento ko kay nanay ang nangyari. natawa sya at ipinaliwanag nya sa akin na hinding hindi ko maaabot ang araw dahil nasa labas ito ng mundo.  nung una ay hindi ko pa maunawaan ang paliwanag ng nanay. pinapabulaan ko ang kaniyang sinabi dahil nakita ko na parang sobrang lapit ko na sa araw pero bandang huli ay sumuko din ako. tinanggap ko nalang ang katotohanan na hindi ko maaabot ang malaking bilog na kulay pula. na may mga bagay talaga sa mundo na hindi natin makukuha kahit na magpakahirap pa tayong makuha ito.